Natagpuan ng mga pulis ang mga nasabing kagamitan malapit sa isang bahay ng suspek na hinihinalang konektado sa New People’s Army, tatlong araw bago ang pagtatapos ng pista ng Our Lady of Peñafrancia.
Ayon kay Naga City police director Senior Supt. Jonathan Panganiban, tinimbrehan sila ng kapitbahay ng suspek matapos nitong maikwento sa inuman noong nakaraang linggo na gumagawa siya ng bomba.
Nakilala ang suspek na si Dominador Alcantara, na may-ari ng tahanan malapit sa madamong lugar kung saan nakita ang tatlong bote ng gin na naglalaman ng gasolina, iba’t ibang pako, mga bubog, at dalawang piraso ng bala ng cal. .45 na baril.
Nakumpiska rin ng mga pulis ang isang “computerized letter” para sa isang Ka Domeng at Ka Josephine mula sa isang Ka Benny.
Nang halughugin naman ang bahay ni Alcantara, nakarekober ito ng cal. .22 na revolver na naglalaman ng anim nabala, isang sumpak at isang plastic na puno ng fertilizer.
Sa ngayon ay hawak na ng pulisya si Alcantara habang patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon.