Pondo ng CHR, NCIP at ERC, ilalaan sa libreng tertiary education
Ililipat ng Kamara ang mga pondo ng Commission on Human Rights (CHR), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at Energy Regulatory Commission (ERC) sa budget para sa libreng tertiary education.
Matatandaang ang mga nasabing ahensya ang binigyan ng Kamara ng tig-P1,000 na budget para sa taong 2018.
Paliwanag ni appropriations committee chair Rep. Karlo Nograles, ang mga pondo ng mga nasabing ahensya ay isasama sa iniipon na pondo para sa free higher education law.
Una nang ipinanukala ng Department of Budget and Management (DBM) ang P350.95 milyong pondo para sa ERC, P1.13 billion para sa NCIP at P649.48 million naman para sa CHR.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act nitong buwan lamang, kahit na aminado siyang hindi pa siya nakatitiyak kung saan kukunin ang pondo para dito.
Sinabi na rin noon ni Nograles na bukod sa mga kinaltas na pondo mula sa iba’t ibang ahensya, maari pang ilipat ang P16 bilyong halaga ng scholarship funds para dito.
Ang mga nasabing scholarship funds ay nakalaan sa ilalim ng Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Health, Department of Agriculture, Department of Environment and Natural Resources, Department of Science and Technology at sa iba’t ibang state universities and colleges.
Samantala, binatikos naman ito ni Akbayan Rep. Tom Villarin at sinabing nais lang ni Nograles na pakalmahin ang mga kritisismo laban sa aksyon ng 119 na mambabatas sa pondo ng CHR.
Aniya pa, hindi “cute” ang katwiran ni Nograles at iginiit niya na ang pagtuturo sa mga tao tungkol sa karapatang pantao ay dapat sa mga mambabatas nagsisimula.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.