Kamara, ginugulo ang isipan ng publiko sa panukalang ilagay ang pondo ng CHR sa libreng edukasyon
Nais lamang guluhin ng Kamara ang isipan ng publiko sa paglalahad nito ng panukalang gagamitin ang kakaltasing pondo mula sa Commission on Human Rights tungo sa libreng edukasyon ng mga mag-aaral sa kolehiyo.
Ito ang pananaw ni CHR Commissioner Roberto Eugenio Cadiz matapos bigyan ng isanlibong pisong budget ng Kamara ang komisyon para sa 2018.
Ayon kay Cadiz, nais lamang paniwalain ng Kamara na may basehan ang pagkaltas ng pondo sa CHR dahil ilalagay ito sa libreng edukasyon upang makuha ang suporta ng publiko.
Paliwanag nito, mahalaga ang libreng edukasyon at ang ahensya ng CHR sa lipunan ngunit magkaiba ang responsibilidad ng dalawa.
Dahil dito, malinaw na prayoridad ito dapat ng pamahalaan.
Matatandaang isiniwalat ni Davao City 1st District Representative Karlo Nograles, chairman ng House appropriations committee na plano ng Kamara na ilaan ang ponding kakaltasin sa CHR at National Commission on Indigenous Peoples at Energy Regulatory Commission upang pondohan ang Free Tuition Law ni Pangulong Duterte.
Una nang humihingi ng P649.48 million ang CHR para sa susunod na taon, ngunit binigyan lamang ito ng isanlibong piso ng Kamara.
Ang CHR ang isa sa mga nangungunang pumupuna sa lumolobong kaso ng mga patayan sa mga lansangan dulot ng war on drugs ng pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.