Makabayan bloc bumitiw na sa super majority coalition sa Kamara

Radyo Inquirer

Inanunsyo ng Makabayan bloc sa Kamara ang kanilang pagkalas sa super majority coalition.

Kaagad naman itong tinanggap ng Malacañang kung saan ay sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na umaasa siya na hindi ito nangangahulugan na pagtalikod rin nila sa kanilang suporta sa mga anti-poor program ng pamahalaan.

Ang Makabayan bloc ay binubuo ng iba’t ibang mga partylist sa Kongreso na kinabibilangan ng mga sumusunod nina Rep. Antonio Tinio at Rep. France Castro ng ACT Teachers Party-list, Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao at Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago.

Kasama rin sa grupo sina Rep. Emmi De Jesus at Rep. Arlene Brosas of Gabriela Women’s Partylist Group.

Sa kanilang pahayag, sinabi ng grupo na kumakalas na sila sa koalisyon dahil sa patuloy na pakikipag-sabwatan ng pamahalaan sa U.S, tumataas na kaso ng mga extrajudicial killings, ang napipintong pag-abswelto sa pamilya Marcos at ang pagkaltas sa pondo ng Commission on Human Rights.

Binatikos rin ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc ang pag-atras ng pamahalaang Duterte sa peace process sa National Democratic Front of the Philippines.

Sinabi naman ng ilang mga Kongresista na inaasahan na nila ang pagkalas ng grupo sa majority bloc makaraang ibasura ng makapangyarihang Commission on Appointments ang nominasyon nina dating Agrarian Reform Sec. Paeng Mariano at Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo.

Read more...