2 pulis Caloocan, kinasuhan na sa pagkamatay nina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” De Guzman
Sinampahan na ng reklamong double murder sa Department of Justice (DOJ) and dalawang pulis Caloocan at ang taxi driver kaugnay sa pagkamatay nina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman.
Kasama ang Public Attorney’s Office (PAO), nagsampa ng reklamo ang mga magulang nina Arnaiz at De Guzman laban kina Police Officers 1 Jeffrey Perez at Ricky Arquilita ng Caloocan City Police at sa taxi driver na si Tomas Bagcal.
Ipinagharap din sila ng mga reklamong torture, planting of evidence sa ilalim ng Section 29 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Isinagawa ang pagsasampa ng kaso matapos ang idinaos na preliminary investigation ng DOJ sa kaso naman ng pagpatay kay Kian Delos Santos, ang isa pang teenager na nasawi sa Caloocan.
Sa preliminary investigation ay inatasan ng lupon na nag-imbestiga sa kaso ang apat na pulis-Caloocan na magsumite ng kanilang depensa sa criminal complaint sa Ika-25 ng Setyembre.
Kabilang sa mga pinagsusumite ng counter-affidavits ay si Caloocan City police station 7 head Chief Inspector Amor Cerillo, at ang tatlong pulis na sina Police Officer 3 Arnel Oares, Police Officer 1 Jerwin Cruz, at Police Officer 1 Jeremias Pereda.
Magkakaroon din ng pagdinig sa October 2 at 10 para naman sa paghahain ng Public Attorneys Office ng counter affidavits at rejoinder sa panig ng mga pulis at ng PAO.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.