Tambak na mga bangkay, nadiskubre sa punerarya sa Maynila

 

Sinalakay ng sanitation department ng Manila City Hall ang isang punerarya sa Sampaloc, Maynila, makaraang umabot sa kanila ang ulat na maraming bangkay na ang naipon at nakatambak sa loob nito.

Sa pagpunta ng mga opisyal ng munisipyo sa Archangel Funeral, tumambad sa mga otoridad ang hindi bababa sa sampung bangkay na nakalagay na lang sa sahig ng punerarya.

Paliwanag ni Manila Sanitation Cheif Clemente San Gabriel, hindi talaga tama at maayos ang ginawa sa mga bangkay dahil una sa lahat, dapat itong matakpan nang buo hangga’t hindi pa natatapos ang proseso para sa burol nito.

Naabutan kasi nila ang mga bangkay na bagaman may takip ang ilan, hindi naman ito buong natatakpan dahil may ilang nakalawit pa ang paa, habang ang iba ay wala talagang takip.

Ani San Gabriel, isa itong malinaw na paglabag sa sanitation code of the Philippines.

Isa kasing concerned citizen ang nagreklamo sa punerarya na nakitaan ng mga daga at ipis ang loob nito dahil na rin sa mga nagkalat na bangkay.

Nangatwiran naman ang isang embalsamador ng punerarya at iginiit na sinusunod lang nila ang batas dahil hindi naman nila maaring ilibing agad ang mga ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan hangga’t walang claimants.

Kapag aniya umabot na sa ganoon katagal, tsaka lang nila ito sabay-sabay na ililibing.

Dahil dito, binalaan na nila ang pamunuan ng punerarya na sumunod na sa pamantayan sa loob ng anim na araw ay mapipilitan na silang ipasara ito.

Ang Archangel Funeral ay accredited rin na punerarya ng Manila Police District at National Bureau of Investigation.

Read more...