PNP: Walang bagong direktiba ukol sa pamamahagi ng spot report sa media
Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na mayroon silang bagong direktiba si Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na nag-aalis ng access ng media sa mga spot reports ng pulisya.
Ayon kay PNP spokesperson Senior Supt. Dionardo Carlos, humihingi nga siya ng kopya ng nasabing direktiba, ngunit wala pa naman talagang lumalabas na ganito.
Dahil dito, ang susundin niya ay ang kasalukuyang PNP-Media relations policies and manual.
Lumabas kasi ang isang ulat na sinimulan nang pairalin ng police regional office sa Cebu ang umano’y bagong direktiba mula sa Camp Crame na hindi pagbibigay ng access sa media sa mga spot reports.
Ani Carlos, ang mayroon lang sila ay iyong guidelines na inilabas noon pang February 18, 2014, at iyon lang ang kanilang sinusunod.
Ipinaliwanag pa ni Carlos na ginagawa lang ng mga pulis ang tamang paghawak sa mga dokumento lalo na kung naglalaman ito ng mga security classifications, pero maari pa ring makita ng mga reporters ang police blotters.
Dagdag niya pa, bukod sa mga inilalabas nilang press releases at statements, nakadepende na sa public information officer o spokesperson ang paglalabas ng spot reports.
Hindi naman kasi aniya maaring ipamahagi ng pulisya ang mga spot reports na may kinalaman sa nagpapatuloy na imbestigasyon, at mga kasong may kinalaman sa mga kababaihan at mga menor de edad maliban na lang kung mayroong court order.
Para naman aniya makakuha ng kopya ng spot report na hindi otomatikong ibinibigay, kailangang magbigay ng request ng mga mangangailangan, bilang bahagi na rin ng Freedom of Information.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.