Pagpapaliban ng Barangay at SK Elections, mariing tinututulan ng oposisyon

 

Tutol ang mga senador mula sa Liberal Party sa planong pagpapaliban sa Barangay at SK elections at pagtatalaga ni Pangulong Duterte sa mga opisyal na pansamantalang uupo sa Barangay level.

Anila, ang hakbang na ito kabilang na ang pagbibigay ng 1,000 pisong budget sa Commission on Human Rights ay senyales ng planong pagdedeklara ng martial law sa buong bansa.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang pagpapaliban sa Barangay at SK elections ay pagpigil din sa karapatan ng publiko na makapamili sa kanilang mga lider.

Ito rin ang sentimyento ng beterano at election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na hinihikayat ang Commission on Elections (COMELEC) na ipagpatuloy ang preparasyon para sa October 2017 barangay and SK polls dahil wala pa anyang naipapasang batas na nagpapaliban ditto.

Ayon ka kay Macalintal, nakasaad sa konstitusyon na ang mga barangay officials ay inihahalal at hindi itinatalaga.

Ayon naman kay Liberal Party President Senator Francis Pangilinan, ang serye ng pagbibigay ng 1,000 pisong budget sa CHR, pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao, pagpapalibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, pagkalat ng fake news at ang kabi-kabilang mga patayan ay pagpatay sa karapatan ng mga mamamayan.

Anya ang mga hakbang na ito na bumubura sa kalayaan at karapatan ay pagpapasinaya sa planong “diktadurya”.

Suportado naman ni Sen. Leila De Lima ang posisyon ng Political and Electoral Reform (IPER) at National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) na nagsasabing ang malayang halalan ay pagbibigay ng karapatan sa mga mamamayan na mapalitan ang mga barangay official sa demokratikong paraan.

Read more...