48 bagong coaches ng MRT, hindi mapakinabangan; balak ibalik sa China

 

Ibinunyag ng Department of Transportation (DOTr) na pinag-iisipan na nilang ibalik ang 48 na coaches ng Metro Rail Transit (MRT) na binili ng nagdaang administrasyon dahil overweight ang mga ito.

Ayon kay DOTr undersecretary for rails Cesar Chavez, inatasan na sila ni Sec. Arthur Tugade na kumuha ng third party qualifier para mapag-aralan kung magagamit pa ba ng MRT ang nasabing 48 na coaches.

Aniya, sinabi ni Tugade na hindi maaring makompromiso ang kaligtasan ng mga pasahero, kaya kumuha sila ng certifier mula sa Germany na kilala sa iba’t ibang bansa, at iba pang certifiers.

Dagdag pa ni Chavez, nagbigay na siya ng terms of reference kay DOTr Undersecretary for Legal Affairs and Procurement Reinier Paul Yebra kasama ang lahat ng mga kaukulang dokumento para sa kanilang request for quotation.

Inaasahan aniyang sa loob ng tatlong buwan matapos ang notice to proceed ay malalaman mula sa mga certifiers kung maari pang tumakbo ang mga tren o hindi na para maibalik sa China.

Sa ngayon, hinihintay pa ng DOTr ang assessment ng certifier.

Pinuri naman ni Sen. Grace Poe ng committee on public services ang ginawa ng DOTr na pagkuha ng certifier.

Gayunman, pinaalalahanan ng senadora ang mga opisyal ng DOTr na matuto na sa mga pagkakamali ng nagdaang administrasyon.

Read more...