Panukalang batas kontra diskriminasyon sa LGBT, aprubado na sa 2nd reading

 

Lusot na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 4982, o o SOGIE Equality Act na panukalang batas na pagpapataw ng parusa sa diskriminasyon sa mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual and transgender (LGBT) community.

Oras na maisabatas, makakasuhan at maari nang makulong ang mga magpapairal ng diskriminasyon base sa sexual orientation and gender identity or expression (SOGIE).

Ikinatuwa naman ito ng kauna-unahang transgender na mambabatas na si Bataan Rep. Geraldine Roman, at tinawag itong “milestone for Equality.”

Pinasalamatan ni Roman ang lahat ng mga mambabatas na naninindigan at sumusuporta sa nasabing panukala.

Kabilang sa mga discriminatory practices na nakasaad sa SOGIE ay ang pagkakait sa public service kasama ang military service; pagsama sa SOGIE sa criteria para sa hiring, promotion, transfer, assignment at re-assignment, dismissal at iba pang human resource action; pagtanggal o hindi pagtanggap sa isang tao sa paaralan dahil sa SOGIE; pagpapataw ng parusa o mas mahigpit na parusa dahil lang sa SOGIE; pagkakait ng public o private medical o health services at maraming iba pa.

Kasama rin dito ang panghihiya at pangha-harass sa mga tao dahil sa kanilang SOGIE, tulad ng pagsasailalim sa gender profiling.

Nakasaad rin sa panukalang batas na ang mahuhuling nangdi-discriminate sa mga LGBT ay mapapatawan ng P100,000 hanggang P500,000 na multa, o pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon base sa desisyon ng korte.

Posible ring parusahan ng korte ang taong nang-discriminate ng community service.

Read more...