Kuntento ang grupong National Council for Commuter Protection (NCCP) sa unang araw ng pagmamando ng trapiko sa EDSA ng mga tuahan ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Ayon kay NCCP President Elvie Medina, nabawasan ang traffic sa EDSA Balintawak-Cloverleaf dahil hindi pinayagan ang mga namimili na paradahan ang EDSA.
Kung ikukumpara sa trabaho ng mga tauhan ng Metropolitan Development Authority (MMDA), sinabi ni Medina na mas kuntento sila sa ginawa ng mga tauhan ng HPG.
May ‘focus’ aniya sa trabaho ang mga HPG personnel hindi kaya ng mga tauhan ng MMDA na puro salita lamang at meryenda ang inaatupag. “Walang focus ang MMDA, puro lang sila salita, tapos kakain ng meryenda, hindi inaayos ang trabaho,” ayon kay Medina.
Sa kabila ng naayos na daloy ng traffic sa Balintawak, napuna naman ni Medina ang hindi pa rin nawawalang mga sidewalk vendors sa palengke.
Ayon kay Medina, mahalagang maayos din ng mga tauhan ng HPG ang sidewalk vendors para magamit ng mga commuters ang sidewalk sa halip na sa mismong lansangan sila naglalakad o nag-aabang ng masasakyan.
Nais ni Medina na mailagay lahat sa loob ng mga public markets ang mga natitinda at hindi sa sidewalk na dapat ay mga commuters ang gumagamit.