Laman ng impeachment complaints tsismis lang ayon sa kampo ni Sereno
Tinawag ng kampo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na “hearsay” at walang basehan ang pinagtibay ng House Justice Committee na impeachment complaint na inihain laban sa kanya.
Sinabi ng tagapagsalita ni Sereno na si Atty. Carlo Cruz, malinaw na isang uri ng political spectacle ang nangyari sa Kamara kanina.
Ito ay makaraang sabihin ng House Justice Committee na sufficient in form and substance ang inihaing reklamo sa kanya ni Atty. Larry Gadon.
Laman ng nasabing reklamo ang umano’y mga pagkakamali na ginawa ni Sereno kabilang na dito ang culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, kabiguang magsumite ng tamang statement of assets liabilities of net worth at falsification of high court documents.
Nag-ugat ang reklamo sa pagbili ng Punong Mahistrado ng P5 Million halaga ng luxury vehicle, marangyang mga byahe sa abroad at hindi pagtatalaga ng mga tao sa ilang bakanteng posisyon sa hukuman.
Ipinaliwanag rin ni Cruz na hindi sila natitinag sa nasabing reklamo dahil ang lahat ng mga iniharap na basehan dito ay pawang mga tsismis at galing lamang sa mga media reports.
Si Sereno ay binigyan ng sampung araw para magbigay ng komento sa nasabing desisyon ng House Justice Committee kaugnay sa inihain laban sa kanya na impeachment complaints.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.