Balikbayan boxes sa US at Canada ang target ng dagdag-buwis ni Customs Comm. Lina

By Dona Dominguez-Cargullo September 07, 2015 - 07:43 AM

balikbayanAabot sa isang daang libong piso ang dagdag na buwis na ipapataw sa mga container vans na dumarating sa bansa na puno ng mga balikbayan boxes.

Pero paglilinaw ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bert Lina, ang nasabing halaga ng buwis ay sa mga freight forwarder ipapataw at hindi naman sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs.)

Paliwanag ni Lina sa Radyo Inquirer, sa ngayon kasi, ang isang 40-footer na container van na may laman na balikbayan boxes ay pinatpatawan ng P80,000 na buwis. Gayunman sinabi ni Lina na ang tamang computation ay dapat P180,000 ang ibabayad na duties and taxes.

Dagdag pa ni Lina, ang target ng BOC sa paghihigpit sa tamang singilin sa buwis ay ang mga galing sa Canada at Estados Unidos, madalas kasi aniya ay naaabuso ang pagpapadala ng mga balikbayan boxes na galing sa dalawang bansa.

Sinabi ni Lina na hindi naman dapat ang nagpadala ang pumasan ng nasabing halaga ng buwis dahil sa sandaling nagpadala sila sa isang freight forwarding company ay kasama na sa kanilang binabayaran sa serbisyo ng pagpapadala ang buwis. “Alam ng customer na nakabuilt-in na ang tax na bayarin nila kaya ang isyu dito magkaano talaga ang dapat na bayaran ng freight forwarder, kasi ang mga nagpadala, bayad na nila ang buwis nila e,” ayon kay Lina.

Nagkaroon lamang aniya ng kalituhan sa isyu ng pagpapataw ng buwis sa mga balikbayan boxes dahil may mga freight forwarding companies ang nagsabing ipapasa nila sa kanilang mga kliyenteng OFWs ang sisingiling buwis ng BOC.

Hindi rin aniya lahat ng balikbayan boxes na ipinapadala dito sa Pilipinas ay galing sa mga lehitimong OFWs.

Ilan lamang sa inihalimbawa ni Lina ang mga insidente na mayroon silang nabuksang container vans na deklaradong balikbayan boxes ang laman pero mayroong motorsiklo at refrigerator sa loob.

Paliwanag ni Lina, wala namang masama kung ang isang OFW ay magpapadala ng refrigerator o motorsiklo pero kailangan itong ideklara ng tama at bayaran ng karampatang buwis.

Dahil dito, nakipag-ugnayan na aniya ang BOC sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para mabigyan sila ng listahan ng mga lehitimong OFWs. “Hindi na bubuksan ang mga balikbayan boxes ng mga OFWs na mayroong POEA permit. Ang isyu kasi dito ay ang mga gumagamit ng pangalan ng mga OFWs na hindi naman talaga OFW. Sa pakikipagtulungan ng POEA, bibigyan nila kami ng current list ng mga OFWs na registered sa kanila,” dagdag pa ni Lina.

TAGS: Balikbayan boxes, Balikbayan boxes

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.