Dumalaw si Pangulong Rodrigo Duterte sa burol ng dalawang sundalo na nasawi sa Marawi City.
11:20pm nang dumating ang Pangulo sa Mortuary ng Libingan ng mga Bayani sa Taguig City diretso mula sa kanyang flight galing Davao.
Personal na nagbigay ng pakikiramay si Duterte sa pamilya at mga naulila nina Capt. Rommel Sandoval at Pvt. First Class Sherwin Marco Canapi na kapwa nasawi matapos maka-engkwentro ang ilang miyembro ng Maute Group habang nagsasagawa ng clearing operation sa Brgy. Sangcay Dansalan noong Linggo.
Ginawaran rin ng Pangulo sina Sandoval at Canapi ng post-humous Order of Lapu-Lapu Medal, rank of Kalasag.
Personal na tinanggap ng asawa ni Sandoval ang medalya, habang ang mga magulang naman ni Canapi ang tumanggap ng pagkilala mula kay Duterte.
Kasama rin ng Pangulo na nakiramay sina Defense Sec. Delfin Lorenzana, AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año, at National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon.
Si Captain Sandoval ay nagtapos sa Philippine Military Academy o PMA noong March 12, 2005.
Itinalaga siya bilang Commanding Officer ng 11th Scout Ranger Company, 4th Scout Ranger Battalion, First Scout Ranger Regiment, Special Operations Command ng Phillipine Army.
Nagsibli siya sa Philippine Army sa loob ng labing-pitong taon, limang buwan at labing-isang araw.
Tubong Batangas City si Sandoval at naulila niya ang kanyang asawa at anak.
Si Private First Class Canapi naman ay pumasok sa military service noong July 16, 2010 bilang candidate soldier sa Army’s First Scout Ranger Regiment sa San Miguel, Bulacan.
Nagsilbi siya sa Philippine Army sa loob ng mahigit pitong taon./Cyrille Cupino
Excerpt: Nasawi ang dalawang sundalo sa pakikipagbakbakan sa Maute group sa Marawi nitong Linggo.