Binweltahan ng Malacañang si United Nations High Commissioner for Human Rights Zeid Ra’ad Al Hussein kaugnay ng panibagong kritisismo laban sa war on drugs ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, nakababahala ang mga banat ni Hussein sa naganap na 36th session ng UNHR Council, dahil wala namang “factual basis” ang mga akusasyon nito.
Nagpahayag kasi si Hussein ng pagkabahala sa aniya’y pagsuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa shoot-to-kill policy sa mga suspek.
Pero depensa ni Abella, ilang beses nang inulit ng pangulo na wala siyang inilalabas na shoot-to-kill order at na lahat ng mga suspek ay dapat isailalim sa imbestigasyon.
Binanatan rin nin Hussein ang banta ni Duterte na bombahin ang mga paaralan ng mga Lumad, na pinaniniwalaan niyang isang “teaching subversion” sa mga kabataan.
Ngunit ani Abella, hindi nakuha ni Hussein ang konteksto ng presidente nang sabihin niya ito, kaya naman pinayuhan niya ito na ituon na lang ang pansin sa pagsusulong ng pamahalaan na mapag-aral ang indigenous people (IP).
Kasama rin sa mga pinuna ni Hussein ang mga banta ni Pangulong Duterte sa mga human rights groups na bumabatikos sa kaniyang mga polisiya.
Ani Abella, ang tinutukoy ng pangulo ay ang mga human rights activists na nagbibigay ng pondo o sumusuporta sa mga karahasan sa kasagsagan ng mga police operations.
Samantala, binweltahan rin ni Abella si Hussein sa pagbatikos nito sa pagkakakulong ni Sen. Leila de Lima.
Giit ni Abella, si De Lima ay nakulong dahil sa criminal issues, at hindi political issues.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.