Bagyong “Maring,” lumakas at isa nang tropical storm

 

Lumakas at isa nang ganap na tropical storm ang bagyong “Maring” habang tinatahak nito ang direksyon patungong West Philippine Sea.

Taglay ng “Maring” ang lakas ng hangin na aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa sentro, at pagbugso na 90 kilometers per hour.

Inaasahang patuloy ang pagkilos ng bagyo sa direksyong West Northwest sa bilis na 15 kilometers per hour.

Makakaranas naman ng katamtaman hanggang sa paminsan-minsang malakas pag-ulan ang Zambales at Bataan, habang mahina hanggang katamtamang lakas naman ng ulan ang mararanasan sa Tarlac, Pampanga at Bulacan.

Nakataas pa rin ang signal number 1 sa mga lalawigan ng Zambales at Bataan.

Inaasahang makakalabas na sa Philippine area of responsibility ang bagyong “Maring” mamayang gabi o sa Huwebes ng umaga.

Samantala, napanatili naman ng bagyong “Lannie” ang lakas nito habang tinatahak rin ang direksyong West Northwest sa bilis na 22 kilometers per hour.

Taglay ng bagyong “Lannie” ang lakas na aabot sa 125 kilometers per hour at pagbugso na 155 kilometers per hour.

Sa kabila ng lakas ng bagyong “Lannie,” patuloy itong hindi makakaapekto sa lagay ng panahon sa bansa dahil malayo ito sa lupa.

Huli itong namataan sa 655 kilometers East Northeast ng Basco, Batanes.

Read more...