Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Lt. George Morana ng 85th Infantry Battalion ng Philippine Army na agad silang nagtungo sa lugar nang matanggap ang ulat na mayroong bus galing Bicol at pabalik ng Maynila ang na-stranded sa baha.
Kalahati na ng bus ang nakalubog sa baha nang dumating sila sa bahagi ng Gumaca-Pitogo Road national highway.
Sinabi ni Morana na hindi na nila hinintay na mayroong dumating amphibian boat para mag-rescue dahil ang mga pasahero ay nasa bubong na ng bus.
Gumamit na lang umano sila ng lubid at mga improvised floating materials at isa-isang kinuha ang mga sakay ng bus.
Katuwang din aniya nila ang mga residente at tauhan ng barangay sa lugar.
Sa pahayag ng driver ng DLTB bus na may plate number na UYB 365, nagulat na lamang umano siya sa napakabilis na pagtaas ng tubig baha.