Patuloy ang ilang mga pampasaherong bus sa paglabag sa yellow lane sa kahabaan ng EDSA sa unang araw ng pagmamando ng mga tauhan ng Highway Patrol Group sa EDSA.
Sa bahagi ng EDSA-Guadalupe northbound ilang mga bus ang lumalabas sa yellow lane.
Partikular na nakuhanan ng larawan ng Inquirer, ang Yohance bus at Jasper Jean bus na nasa labas ng linyang itinalaga para sa mga pampasaherong bus.
Kung maluwag ang daloy ng traffic sa EDSA-Balintawak, bago mag alas 7:00 ng umaga, naramdaman na rin ng mga motorista ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa bahagi ng Edsa-Estrella sa Makati.
Sa EDSA-Quezon Avenue southbound lane, nagsikip na rin ang daloy ng trapiko bago mag alas 7:00 ng umaga. Masikip din sa bahagi ng EDSA-Santolan.
Nadagdagan pa ang naranasang mabagal na daloy ng trapiko sa southbound lane ng EDSA patungong Santolan, dahil sa banggaan ng isang pampasaherong bus at kotse sa bahagi ng EDSA-P.Tuazon service road.
Ang anim na chokepoints sa kahabaan ng EDSA na tinututukan ngayon ng mga tauhan ng PNP-HPG ay ang Balintawak, Cubao, Ortigas Avenue, Shaw Blvd., Guadalupe at Taft Avenue.