Itinanggi ng Bureau of Immigration (BI) na hindi nila pinayagan ang aktor na si Robin Padilla na makalabas ng bansa patungong China kahapon dahil sa umano’y isang hold departure order.
Inilabas ng ahensya ang paglilinaw na ito, matapos i-post ni Robin sa kaniyang Instagram account na hindi siya napayagang tumungo sa China dahil hiningan pa siya ng clearance bago makaalis ng bansa.
Ani Padilla, dadalo sana siya sa isang event sa pagdiriwang ng Sulu-China relations mula September 12 hanggang 15 sa Shandong province.
Ayon kay sa tagapagsalita ng ahensya na si Atty. Maria Antonette Mangrobang, naalis na ang mga hold departure orders laban kay Padilla mula pa noong August 3,1993 at July 25, 1995.
Iginiit din ni Mangrobang na wala silang records na dumaan si Padilla sa kanilang immigration procedure sa loob ng nagdaang pitong araw, at wala rin silang record na pinigilan itong makaalis.
Samantala, ayon kay Padilla, matapos siyang makalaya mula sa kulungan, wala siyang naging problema sa paglalabas-masok sa bansa, at nakapagtatakang kung kailan nabigyan siya ng absolute pardon ay saka pa siya namroblema.