‘Psychiatric test’ ni CJ Sereno, hiniling na masilip ng isang abogado
Dumulog sa Supreme Court En Banc si Atty. Larry Gadon upang maghain ng motion for reconsideration matapos na hindi pagbigyan ng Judicial and Bar Council ang kanyang hiling na mabigyan ng kopya ng resulta ng psychiatric test ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Iginiit ni Gadon sa kanyang isinumiteng liham sa Clerk of Court ng Supreme Court En Banc na hindi saklaw ng confidentiality rule ang resulta ng psychiatric test ni Sereno.
Ayon kay Gadon, ang psychiatric test ni Sereno ay bahagi ng proseso ng kanyang aplikasyon sa pinakamataas na posisyon sa Hudikatura kaya’t may interes ang publiko sa bagay na ito.
Dahil dito ay hiniling ni Gadon na baligtarin ng Supreme Court En Banc ang desisyon ng JBC at humiling na mabigyan ng kopya ng resulta ng psychiatric test ni Sereno.
Si Gadon ang naghain ng ikalawang impeachment complaint laban kay Sereno na inendorso ng nasa 25 mambabatas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.