9/11 terror attack, inalala ng US sa ground zero

 

Libu-libong mga kaanak, survivors, rescuers at mga opisyal ang dumagsa sa ground zero sa World Trade Center para magsagawa ng mataimtim na seremonya bilang pag-alala sa mga nasawi sa 9/11 attack, 16 taon na ang nakalilpas.

Nagkaroon muna ng moment of silence sa World Trade Center, na sinundan ng pagpapatunog ng mga kampana.

Pagkatapos nito, habang hawak ang larawan ng kanilang mga mahal sa buhay, sinimulan na ng mga dumalo ang pagbasa sa mga pangalan ng halos 3,000 kataong nasawi sa pinakamalagim na pag-atakeng ginawa sa Amerika.

Naging tradisyon sa New York ang taunang pag-alala sa pag-atakeng naganap noong September 11, 2001, kung saan sinalpok ng mga hijacked planes ang World Trade Center, ang Pentagon at ang field malapit sa Shanksville, Pennsylvania.

Samantala, ginunita naman ni US President Donald Trump, kasama ang misis na si first lady Melania Trump at kanilang mga staff, ang pag-atake sa South Lawn ng White House kung saan nagkaroon sila ng moment of silence.

Bagaman madalas niyan masaksihan ang 9/11 commemoration sa New York, ito ang kauna-unahang pagkakataon na gugunitain niya ito bilang pangulo ng bansa.

Magkakaroon din ng wreath-laying ceremony, at bibisita naman sina Vice President Mike Pence at US Secretary of Interior Ryan Zinke sa Flight 93 national Memorial malapit sa Shanksville.

Read more...