Sa ikaapat na pagkakataon ay bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Marawi City.
Ang pagbisita ng pangulo sa naturang lungsod ay kasunod ng anunsyo ng Malacañang na nasa huling yugto na ang rebelyon sa Marawi.
Ayon kay DND Secretary Delfin Lorenzana, pumunta si Pangulong Duterte sa Grand Islamic Mosque at Mapandi Bridge.
Dito niya kinausap ang tropa ng pamahalaan at binigyan ang mga ito ng ‘goodies’ na mga relo at sigarilyo.
Pinuntahan din ng pangulo ang mga lugar na na-clear na ng mga militar.
Nangako rin ang pangulo sa mga babaeng sundalo na dadalhin ang mga ito sa Hong Kong matapos ang krisis sa Marawi.
Ayon kay AFP spokesperson Brigadier General Restituto Padilla, papalapit na nang papalapit sa dulo ang kaguluhan sa lungsod na dulot ng ISIS-inspired Maute group.
Aniya, paliit na nang paliit ang pinagkukutaan ng teroristang grupo habang patuloy ang kanilang pag-clear sa mga gusali sa ground zero.
Dagdag pa ni Padilla, nasa 1/4 of a kilometer grid square na lamang ang battle zone sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan at ng Maute group.
Ngunit ayon kay Padilla, bagaman maliit na lamang ang lugar kung saan ang kaguluhan ay nahihirapan pa rin ang mga sundalo dahil sa lugar na ito ay nakatayo ang mga matitibay at makakapal na gusali.