Sa unang araw ng PNP-HPG sa EDSA, traffic sa Balintawak, lumuwag
Maagang pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Director General Ricardo Marquez ang send-off ceremony sa aabot sa 150 na mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) na ipinakalat na sa kahabaaan ng EDSA.
Sa simula ng pagmamando ng traffic sa EDSA ng mga tauhan ng PNP-HPG, kapansin-pansin ang pagluwag ng daloy ng trapiko sa bahagi ng Balintawak na dati-rati ay maaga pa lamang ay nagsisikip na.
Maliban sa hindi pinayagan ang mga vendors na maglagay ng kanilang mga paninda sa kalsada, hindi rin pinayagan ng PNP-HPG ang mga sasakyan ng mga namimili sa Balintawak na pumarada sa EDSA.
Sa unang isang oras ng pagmamando ng mga tauhan ng PNP-HPG sa kahabaan ng EDSA, sinabi ni Director Supt. Arnold Gunnacao na masaya naman siya sa maayos na daloy ng trapiko.
Ikinatuwa din ni Gunnacao ang kooperasyon ng mga motorisa. Maging ang mga namamalengke aniya sa Balintawak ay nakipagtulungan. “Natutuwa ako dahil maganda naman ang daloy ng trapiko, very cooperative ang mga drivers pati ang mga namamalengke sa Balintawak hindi na pumarada sa EDSA,” ayon kay Gunnacao.
Bumuti din ang daloy ng trapiko sa bahagi ng EDSA-Taft sa Pasay City. Kung dati-rati ay masikip na ang daloy ng trapiko sa lugar kapag rush hour, kanina ay kapansin-pansing malinis at maluwag ang EDSA-Taft.
Sa isinagawang send-off ceremony sa Camp Crame kanina, binilinan ni Marquez ang mga tauhan ng HPG na gawin lamang ang kanilang trabaho at handa siyang suportahan ang mga ito.
Tiniyak din ni Marquez sa mga tauhan ng PNP-HPG na pinagtitiwalaan niya ang kanilang integridad.
Sa 150 na HPG personnel na bahagi ng send-off ceremony kanina, 96 ang nakakalat na ngayon sa kahabaan ng EDSA para sa unang shift mula alas 5:00 ng umaga hanggang alas 2:00 ng hapon at ang nalalabi naman ang sasabak sa second shift.
Samantala, ang mga provincial buses naman na biyaheng southern Luzon ay hindi na pinayagang makadaan ng EDSA mula alas 6:00 ng umaga at sa halip ay C-5 na sila pinadaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.