Sa isang sulat, hiniling ni Gov. Vicente Gato sa provincial board na isailalim na sa state of calamity sa Batanes dahil sa P10 milyong halaga na ang nawala sa industriya ng pananim at paghahayupan.
Ayon sa officer in charge ng kanilang provincial agriculture office na si Cesar Hostallero, malaki ang naging epekto sa produksyon ang tagtuyot na mga nagdaang buwan lalo na sa mga taniman dahil may mga gulay na may kinakailangang rainfall amount para maayos na tumubo.
Ayon naman kay Celso Batallones, manager ng Department of Agriculture Batanes experiment station, matagal nang naghihingalo ang sitwasyon ng agrikultura sa Batanes dahil sa tuyong panahon na dinaranas nila nitong mga nagdaang buwan.
Ngunit imbis na makatulong, ang pagdaan ng Bagyong Ineng sa probinsya ay nagdulot lamang ng mas malalang sitwasyon dahil lalo nitong sinira kung ano pa man ang natira sa mga magsasaka.
Sa ngayon ay kakasimula lamang ng mga magsasaka na magtanim ng bawang, kamote, mais, bigas at mga gulay, ngunit ang pagbabalik ng tag-init ay nakaamba na namang sumira sa kanilang mga pananim.
Ani Batallones, kung kaunti pa rin o wala talagang ulan na dumating sa kanilang probinsya, walang aanihin ang mga magsasaka.
Para sa mga lokal na opisyal, makakatulong ang pagdedeklara nila ng state of calamity sa Batanes dahil magagamit ng gobyerno ang nakalaang calamity fund para maipaayos ang mga local water and electricity distribution systems na sinira ng nagdaang bagyo.