Pagiging holiday ng kaarawan ni Marcos, dinipensahan ni Duterte
Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedeklara niya ng holiday sa Ilocos Norte ngayong araw, September 11, bilang pag-gunita sa ika-100 birth anniversary ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Giit ng pangulo, wala naman siyang nakikitang masama sa pagpayag niya sa kahilingan ng pamilya Marcos na gawing holiday ang kaarawan ng kanilang padre de pamilya.
Naniniwala din ang pangulo na lalo lang magdudulot ng hidwaan sa bayan kung patuloy pa rin itong pagtatalunan.
Paliwanag ni Duterte, kaya siya pumayag ay dahil para sa mga Ilokano, si Marcos ang pinakamagaling na naging pangulo ng bansa.
Dagdag pa ni Duterte, para sa mga Ilokano ay isang bayani si Marcos at nais nilang ipagdiwang ang kaarawan ng isang “great Ilocano” kaya hindi na ito dapat pag-debatehan pa.
Giit pa ng presidente, hindi lahat ng tao ay masamang tao ang tingin kay Marcos at para sa mga taga-Ilocos, “hogwash” na maituturing ang mga kritisismo laban sa dating pangulo.
Samantala, hindi naman makakadalo si Duterte sa pagdiriwang na gaganapin sa puntod ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani ngayong araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.