Eksperimento ng Malakanyang sa EDSA traffic, sisimulan na ngayong araw
Magsisimula na ngayong araw ang bagong eksperimento ng Malakanyang kontra traffic sa 23.8-kilometer na Epifanio de los Santos Avenue (Edsa).
Kasama sa eksperimento ang paglalatag ng miyembro ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa choke points sa nasabing highway, rerouting ng mga bus mula sa probinsya, at pagbibigay direksyon sa mga motorista na sumunod sa mga batas trapiko.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, hindi magiging madali ang trabaho para sa PNP-HPG, na siyang magsisilbing traffic marshal sa kahabaan ng EDSA simula ngayong araw.
Dagdag pa niya, kailangan nila ang tulong ng HPG dahil sa pagdagsa ng mga sasakyang dumadaan sa EDSA, na lumobo mula 120,000 hanggang 145,000 kada linya bawat oras.
Ang pagpapakalat ng mga miyembro ng HPG ang pinakabagong paraan umano ng Malakanyang upang masolusyunan ang problema sa trapiko sa EDSA.
Sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na kinakailangang magmando ng HPG ang anim na pangunahing pinagtitigilan ng sasakyan sa EDSA, kabilang na rito ang Balintawak, Cubao, Ortigas Avenue, Shaw Boulevard, Guadalupe at Taft Avenue.
Matatandaang unang nagmando sa trapiko ang mga traffic enforcer ng MMDA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.