“No way.”
Ito ang mariing pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos imungkahi ni Omar Maute na palalayain nila ang kanilang mga bihag kapalit ng ligtas paglabas ng kanilang mga miyembro mula sa Marawi City.
Ayon sa pangulo, ang tanging paraan upang makalabas ng buhay mula sa Marawi ang mga Maute ay kung susuko ang mga ito sa pamahalaan.
Aniya, kung susuko ang mga Maute, kinakilangang sumailalim ang mga ito sa due process, kabilang na ang paglilitis sa mga ito. Dagdag pa ng pangulo, bibigyan ang mga Maute ng kanilang sariling abogado.
Sinigurado rin ng pangulo na walang magaganap na oppression o harassment o iba pang karahasan sa mga ito kung sila ay susuko.
Sa ngayon, hindi pa rin tiyak kung ilan pa ang mga natitirang bihag na nasa kamay ng ISIS-inspired Maute.
Ayon sa pangulo, posibleng nasa pitumpu ang bihag ng mga Maute, ngunit maaari ring umabot ito sa bilang na tatlong daan. Kabilang sa bilang na ito si Marawi City vicar general, Father Teresito Suganob.
Samantala, hindi na lalagpas pa sa apatnapung mga miyembro ng Maute ang patuloy na nakikipaglaban kontra sa pwersa ng pamahalaan sa main battle area sa Marawi City.
Nasa 145 namang mga miyembro ng militar at kapulisan ang namatay dahil sa patuloy na bakbakan sa lungsod.