Death toll sa magnitude 8.1 na lindol sa Mexico umabot na sa 58
Umakyat na sa 58 ang bilang ng mga patay sa pinakamalakas na lindol na tumama sa bansang Mexico sa nakalipas na walong dekada.
Sa ulat ng Mexico Civil Protection Agency, karamihan sa mga namatay at sugatan ay mga residente sa lalawigan ng Oaxaca na kilala bilang tourist destination sa nasabing bansa.
Halos kalahati naman ng mga bahay sa bayan ng Juchitan sa lalawigan pa rin ng Oaxaca ang pinabagsak ng naganap kahapon na magnitude 8.1 na lindol.
Pansamantala ring isinara ng Pemex Petroleum ang kanilang pipeline makaraang maireport na nagkaroon ito ng leak dulot ng pagyanig.
Sa kasalukuyan ay hindi pa rin umuuwi sa kanilang mga tahanan ang ilang mga residente sa bayan ng Chiapas makaraan nilang maranasan ang halos ay tatlong talampakang tsunami sa lugar.
Bagaman naibalik na ang supply ng kuryente sa ilang bahagi ng Mexico City, sinabi ng mga otoridad na matatagalan pa bagong maibalik nang isangdaang porsiento ang elektrisidad sa mga napinsalang lugar.
Sa kanilang datos, sinabi ng U.S Geological Survey na mahigit sa isangdaang mga malalakas na aftershocks na rin ang kanilang naitala at inaasahang magpapatuloy pa ito sa mga susunod na araw.
Sa ulat naman ng Department of Foreign Affairs, sinabi ni Sec. Alan Peter Cayetano na walang naiulat na nasaktan o namatay na Pinoy dulot ng trahedya.
Nasa ligtas na kalagayan na rin ang mga opisyal at tauhan ng Philippine Embassy sa nasabing bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.