Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaanak niya ang 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz na napatay ng mga pulis makaraan umano itong mangholdap sa Caloocan City kamaikailan.
Ito ang inihayag ng pangulo sa kanyang talumpati sa Digos City makaraan niyang sabihin na ang mga serye ng pagpatay sa ilang mga kabataan ay naglalayong idiskaril ang kampanya ng pamahalaan kontra droga.
Sinabi rin ng pangulo na hindi gawain ng isang matinong alagad ng batas ang pagpatay ng walang kalaban-laban tulad na lamang ng ginawang pagpatay sa kasamahan rin ni Arnaiz na si Reynaldo de Guzman na 14-anyos lamang.
Ang mga labi ni de Guzman ay natagpuan sa lungsod ng Gapan sa Nueva ecija na may balot ng packing tape ang mukha at may tatlumpung tama ng saksak sa kanyang katawan.
Ipinaliwanag ng pangulo na nalaman lamang niyang kaanak niya si Arnaiz nang makausap niya ang mga magulang nito sa Malacañang.
Tulad ng pamilyang Arnaiz, si Duterte ay ipinanganak rin sa bayan ng Maasin sa Southern Leyte.
Kaugnay nito ay kanyang inatasan si Philippine National Police Chief Ronald dela Rosa na bilisan ang imbestigasyon sa mga serye ng pagpatay sa ilang mga kabataan.
Nilinaw rin ng pangulo na hindi niya haharangin ang mga naka-kasang kilos protesta laban sa war on drugs ng pamahalaan kung saan ay pinayuhan pa niya ang mga tauhan ng PNP na magpatupad ng maximum tolerance.
Sa September 21, anibersaryo ng deklarasyon ni dating pangulong Ferdinand Marcos ng Martial Law ay magsasagawa ng malaking rally sa Luneta ang Movement Against Tyranny.
Layunin nito na kundenahin ang mga kaso ng extrajudicial killings na kanilang iniuugnay sa administrasyong Duterte.