Umapela ang Batangas Police Provincial Office sa publiko na iwasan ang paglalabas ng “unverified” na mga impormasyon o magbiro ukol sa isyu na mga nawawalang bata sa kanilang lalawigan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Batangas Police spokesperson Hazel Luma-Ang, sinabi nito na hindi nakakatulong sa kanilang imbestigasyon ang pagpapakalat ng mga mali o hindi beripikadong impormasyon, maging ang anumang klase ng pagbibiro.
Inihalimbawa ni Luma-Ang ang kaso ng isang lalaking estudyante na nagpalabas na siya’y dinukot pero kinalauna’y binawi sa pagsasabing ‘nagbibiro lamang daw siya.’
Ang isang babaeng estudyante naman na nagsabing siya’y kinidnap din, ay binago ang kanyang statement at ayaw nang makipag-coordinate sa pulisya.
“Yung babae, hindi totoo ang kanyang claim. Iba ang statement na inilalabas niya, ayaw na ring makipag-cooperate. Sa estudyanteng lalaki, meron siyang recantation sa unang niyang statement at na-witness po ng city councilor ng Batangas at mga magulang niya na siya’y nabibiro lamang. Kaya po, iwasan sana ang ganitong klase ng pagbibiro dahil hindi nakakatulong sa imbetsigasyon sa apat na batang nawawala,” pahayag na Luma-Ang.
Sa ngayon, ayon kay Luma-ang, nasa apat na bata nawawala pero wala pang kumpirmason kung sila ba ay abducted o biktima ng kidnap-for-ransom.
Patuloy pa rin aniya ang pagsisiyasat ng Batangas Police, at nakikipag-ugnayan sa mga pamilya ng mga nawawalang bata.