Mga magulang ni “Kulot”, sakop na ng WPP
Nasa ilalim na ng provisional coverage ng Witness Protection Program o WPP ang mga magulang ni Reynaldo “Kulot” de Guzman, ang 14-anyos na menor-de-edad na huling nakasama ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz.
Ayon kay Public Attorney’s Office o PAO chief Persida Rueda-Acosta, ito ay bahagi ng pagtulong ng gobyerno sa pamilya de Guzman upang matamo ang katarungan sa pagkasawi ng binatilyo.
Pagkatapos ng libing ni Kulot, ani Acosta, ay ipoproseso na ang pagsasailalim kina Ginoong Eduardo at Ginang Lina de Guzman sa permanent coverage ng WPP.
Sinabi ni Acosta na nauna nang inilagay sa full coverage ng WPP ang mga magulang ni Arnaiz na sina Ginoong Carlito at Ginang Eva.
Sa ilalim ng WPP, inaasahang makakakuha ng benepisyo ang mga magulang nina Kulot at Carl gaya ng safehouse, security, buwanang allowance at pangkabuhayan o livelihood.
August 17, 2017 nang huling makitang magkasama sina Kulot at Carl.
Pero makalipas ang ilang araw, sa morge natunton si Carl, habang si Kulot naman ay natagpuang patay at tadtad ng mga saksak sa katawan sa Gapan, Nueva Ecija.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.