Mahigit 70 kasong murder at homicide, naisampa sa DOJ kaugnay sa war on drugs ng pamahalaan
Umabot lamang sa pitumpu’t isa (71) ang bilang ng mga kasong murder at homicide sa buong bansa na naisampa sa Department of Justice o DOJ, mula nang maupo sa Malakanyang si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y sa kabila ng napakaraming bilang ng napapatay, sa kasagsagan ng war on drugs ng administrasyon.
Sa inventory ng DOJ, simula noong July 01, 2016 ay nasa apatnapu’t lima (45) ang kabuuang bilang ng mga kasong naisampa sa DOJ, kung saan pito rito ay pending, 25 ay dismissed at labing tatlong ang naisampa sa korte.
Sa naturang bilang, ang biktima o hinihinalang drug suspect ay nasawi sa anti-drug operations ng pulisya.
Wala namang naisampang kaso kaugnay sa collateral damage sa mga operasyon.
Samantala, nasa dalawampu’t anim (26) lamang ang nationwide total ng mga kaso kung saan ang biktima o drug suspect ay napaslang sa labas ng police operations.
Sampu rito ay pending, sampu ay ibinasura o dismissed, at anim lamang ang naidiretso sa korte.
Ayon sa DOJ, ang National Capital Region o NCR ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga kasong naisampa sa DOJ prosecution offices, na may kabuuang apatnapu’t limang kaso.
Sa NCR, may dalawampu’t anim ng mga kaso kung saan ang mga biktima ang nasawi sa lehitimong police operations, habang labing siyam naman ang namatay sa labas ng polic operations.
Mula nang mag-umpisa ang Duterte administration ay may nasasawi sa police operations halos araw-araw, na binabatikos sa loob at labas ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.