PNA, pumalpak na naman, muling nabatikos sa social media
May panibagong palpak ang government news portal na Philippine News Agency o PNA.
Makikita kasi sa ilang news articles na nakapost sa website ang “notes” ng editor.
Ibig sabihin, hindi nabura ang mga bilin ng editor bago na mai-post ang mga news item sa website.
Ang mga balitang may editor’s notes ay may petsang January, March at April 2017, pero bagama’t may katagalan na ay hindi pa nai-edit.
Mabilis namang kumalat sa social media ang mga screen grab, at muling nakatikim ng pambabatikos ang PNA na nasa ilalim ng Presidential Communications Operations Office o PCOO.
Nang kunin naman ang reaksyon ni Presidential Commumications Secretary Martin Andanar, itinuro nito ang tagapamahala ng PNA na si Undersecretary Joel Egco upang magpaliwanag kaugnay sa blunders ng PNA.
Sa ngayon ay down ang website ng PNA.
Una nang nabatikos ang PNA matapos gumamit ng maling logo ng Department of Labor and Employment at sa halip, ang ginamit ay ang logo ng DOLE Philippines.
Nakatikim din ng pangba-bash ang PNA dahil naman sa pagpopost ng opinyon ng Xinhua News Agency ng China laban sa arbitration ruling sa West Philippine Sea at marami pang hindi tamang mga balita.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.