Mocha Uson, hihimukin ni Sec. Andanar na huwag magtanghal sa mga casino

Hihimukin ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar si Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson na iwasan na ang pagtatanghal sa mga casino at kahalintulad na establisimyento.

Ang pahayag ni Andanar ay sa gitna ng panibagong kontrobersiyang kinakaharap ni Mocha makaraang mag-perform sa Resorts World Manila kamakailan, sa kabila ng ban sa mga opisyal ng gobyerno na pumasok sa casinos.

Inamin ni Andanar na humingi sa kanya ng permiso si Mocha sa katwirang kailangan niyang i-honor ang entertainment contracts na pinasok, bago pa man maitalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PCOO.

Pagtitiyak ng Communication Secretary, sisilipin nila ang usapin, alinsunod sa Memorandum Circular no. 6 ni Pangulong Duterte na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na pumasok sa mga lugar na may sugalan at kaparehong lugar.

At bagama’t pwede pang magtanghal si Mocha kung gugustuhin nito, sinabi ni Andanar na idi-discourage niya ang controversial social media personality na iwasan nang mag-perform sa mga casino.

Si Mocha ay kilala bilang isa sa mga masugid na taga-suporta ni Pangulong Duterte.

Maraming bumatikos sa pagkakatalaga kay Mocha bilang PCOO Assistant Secretary, lalo’t inaakusahan siyang nagpapakalat ng fake news.

 

 

 

 

Read more...