Humihiling ng international arbitration ang mga dayuhang operators ng Malampaya Gas Platform sa pangunguna ng Royal Dutch Shell PLC, upang kuwestyunin ang dagdag singil na buwis ng gobyerno ng Pilipinas.
Sa naging desiyon ng Commission on Audit (COA) kamakailan, inaatasan nito ang Department of Energy na kolektahin ang back taxes ng Royal Dutch sa Malampaya consortium na nag-ooperate sa karagatang sakop ng Palawan.
Sa liham na ipinadala ng kumpanya kay Pangulong Noynoy Aquino III, inilahad ni Royal Dutch Shell PLC chief financial officer Simon Henry na maituturing na ‘cause for concern’ ang sinisingil na buwis ng COA.
Sa kasalukuyang ‘billing’ aniya, pinagbabayad ang Royal Dutch ng 2.9 bilyong dolyar bilang income tax ng COA na labag aniya sa terms of service contract sa pagitan ng gobyerno at ng Royal Dutch Shell PLC.
Itoy’ bukod pa sa 60% share sa net proceeds na ibinibigay ng kumpanya sa gobyerno ng Pilipinas.
Paliwanag ng opisyal, nagkamali ang COA sa utos nitong mangolekta ng ‘back taxes’ dahil sa pagitan ng 2002 hanggang 2014, ang DOE ang dapat na magbayad ng buwis na kinuha dapat sa 60 percent government share ng net proceeds ng gobyerno sa ilalim ng Service Contract No. 38.
Giit pa ni Henry, wala silang nakikitang ibang paraan upang maresolba ang sitwasyon kaya’t minarapat nilang idaan sa international arbitration ang usapin.