CHR, nangangambang ma-zero budget

By Kabie Aenlle September 08, 2017 - 04:30 AM

 

Nangangamba si Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Chito Gascon na baka totohanin ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang banta nito na bigyan ng zero budget ang kawanihan sa susunod na taon.

Umusbong ang pangambang ito ni Gascon matapos hindi na naman matalakay sa ikalawang pagkakataon sa plenaryo ang budget ng CHR.

Nakatakda kasing isalang sa debate ang P649.484 milyong budget ng CHR noong Miyerkules, ngunit naipagpaliban ito dahil wala silang opisyal na naroon.

Paliwanag ni Gascon, nagkaroon ng miscommunication noong panahong iyon dahil dinala sila sa malayong holding room, at hindi sila nasabihan na tatalakayin na sana sa debate ang kanilang budget.

Buong araw aniya silang nandoon at naghihintay pero nang sabihin sa kanila na pumunta na doon, nakasalang na ito at wala sila sa floor nang mapag-usapang ipagpaliban na lang ito.

Inamin naman ni Gascon na iniulat sa kaniya ni CHR Commissioner Gwen Pimentel-Garcia, na nakausap niya si Alvarez at sinabi ng mambabatas na maaring ituloy pa rin nito ang kaniyang banta na gawing zero ang budget ng ahensya.

Kinakabahan rin si Gascon na baka pareho sila ng sapitin ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nakakuha lang ng P1,000 na budget mula sa Kamara.

Pero ani Gascon, ang pagkakaintindi niya ay kapag sinabing zero, ay baka hindi naman talaga walang ibigay sa kanila kundi itulad lang sila sa nangyari sa ERC.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.