Kasong money laundering laban sa mga opisyal ng Philrem, ibinasura ng DOJ
Ibinasura na ng Department of Justice (DOJ) ang kasong kriminal laban sa kumpanyang Philrem Service Corp. kaugnay ng $81 milyong nanakaw ng mga hackers sa Bank of Bangladesh.
Pinagbigyan ng DOJ ang motion for reconsideration na inihain ng mga opisyal ng Philrem na sina Salud Bautista, Michael Bautista at Anthony Pelejo noong Mayo, at ibinasura ang kasong isinampa ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa kanila.
Dahil dito, tanging si dating Rizal Commercial Banking Corp. branch manager Maia Deguito na lamang ang natitirang akusado sa naturang money laundering case.
Giit ng DOJ, naghain ng Suspicious Transaction Report (STR) ang Philrem noong February 17, 2016, at dahil dito nakasentro ang kaso, ibinasura na nila ang money laundering charge laban sa mga ito.
Gayunman, nananatiling nakabinbin ang hiwalay na money laundering case laban sa anim na opisyal ng RCBC na sina dating retail banking group head Raul Victor Tan, Ismael Reyes, Nestor Pineda, Romualdo Agarrado at Angela Ruth Torres.
Sa parehong resolusyon, tinanggihan naman ng DOJ ang motion for reconsideration ni Deguito dahil iginiit nitong criminally liable ang dating branch manager.
Batay anila ito sa katotohanang siya ang nag-facilitate sa withdrawal ng nasabing pondo mula sa RCBC, na idineposito sa accounts ng mga hindi kilala at pekeng account holders.
Walong counts ng money laundering ang nakasampa laban kay Deguito sa Makati Regional Trial Court.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.