Carl Angelo Arnaiz hindi binaril ng malapitan ayon sa NPD Crime Laboratory
Hindi binaril ng malapitan si Carl Angelo Arnaiz na sinasabing umano’y suspek na nanlaban sa mga pulis sa Caloocan City matapos mangholdap ng isang taxi driver.
Ayon kay Supt. Arnel Marquez, ang pinuno ng Northern Police District Crime Laboratory, kung pagbabasehan ang limang tama ng baril sa katawan ni Arnaiz ay lumalabas na mahigit sa dalawang talampakan ang layo ng dulo ng baril sa katawan ng binata.
Paliwanag ni Marquez, wala kasing tattooing o smudging o maliliit na sugat sa paligid ng tama ng baril sa katawan ni Arnaiz.
Gayunman, sinabi ni Marquez na ang mga pasa at sugat sa kamay ni Arnaiz ay palatandaan na tinamo niya ito nung buhay pa siya.
Sinang-ayunan din ni Marquez ang naunang findings ng autopsy ng Public Attorney’s Office na limang tama ng baril ang tinamo ni Arnaiz.
Sa limang tama ng baril, dalawa sa kanang dibdib, isa sa gitna ng dibdib, isa sa kaliwang parte ng dibdib at isa sa tiyan.
Lahat aniya ng tama ay tagusan at pataas ang direksyon maliban sa tiyan.
Ayon kay Marquez, may posibilidad na nakaluhod o nakahiga si Arnaiz nang barilin sa tiyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.