LP naglabas ng security guidelines dahil sa “dumaraming patayan”

Dahil dumadami umano ang kaso ng pagpatay at marami ang hindi pa nalulutas, nagpalabas ng information campaign ang Liberal Party na tinawag nilang “Safety and Security Guidelines in Time of Violence”.

Ayon kay LP President at Senator Kiko Pangilinan, kailangan nang magkaisa ng komunidad laban sa karahasan kasunod ng mga naitatalang insidente ng pagpatay.

Kabilang sa guidelines ang mga sumusunod:

MAGING ALERTO SA BIYAHE – payo ni Pangilinan, maging mapagmatyag sa paligid, naglalakad man o bumibiyahe. Iwasan ang mag-text, mag-social media, mag-earphone o headphone habang nasa kalye o biyahe. At huwag matulog sa biyahe.

SA PAGMAMANEHO – maging mapagmasid sa riding in tandem, lalo na kung parang sumusunod.

BAWASAN ANG MGA GAWAIN SA GABI – Limitahan ang mga aktibidad sa gabi, lalo na sa mga naninirahan sa sentro ng siyudad o ‘di kaya ay magkaroon ng alternatibong matutuluyan kung hindi makakauwi bago mag alas 10:00 ng gabi.

IPAALAM KUNG SAAN NAROON – Ugaliing sabihan sa mga kamag-anak o kasama sa bahay kung saan pupunta at ano’ng oras ang tantyang pagdating. Agad ding ipaalam kapag nakarating na sa lugar.

BE READY TO VIDEO – Dapat laging handang gamitin ang camera sa cellphone para mag-video.

SA MGA PUBLIKONG LUGAR – Iwasan ang tumambay sa mga tindahan o karenderya, kung kailangang mag-abang ng sasakyan gawin ito malapit sa poste o waiting shed.

KUNG MAY KAGULUHAN – Agad tumakbo papalayo, dumapa, magtakip, gumapang kung may nambabaril.

KUNG SINISITA – Kunin ang pansin ng ibang tao sa paligid at kung inaaresto nang walang dahilan, isigaw ang buong pangalan ng malakas at isigaw na iligal ang ginagawang pagdakip sa iyo.

TULAD NANG DATI – Isara at ikandado ang mga pinto at bintana sa gabi at huwag magpapasok ng hindi kilala. Bago umalis ay yakapin at halikan ang mga mahal sa buhay at gawin din ito kapag nakarating sa bahay.

Kasabay ng paglalabas ng nasabing alituntunin, sinabi ni Pangilinan na nananawagan sila sa mga otoridad na gawin ang kanilang trabaho at pigilan ang mga nagaganap na patayan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...