UP, nababahala na sa pagpatay sa mga kabataan sa drug war
Nagpahayag ng kanilang pagkabahala ang Univeristy of the Philippines (UP) matapos ang kwestyunableng pagkakapatay ng mga pulis kina Kian Loyd delos Santos at Carl Angelo Arnaiz.
Naglabas ng pahayag ang opisina ni UP Diliman Chancellor Michael Tan, kung saan isinaad niya na ang pagkamatay nina Delos Santos at Arnaiz ay may pagkakatulad.
Dahil aniya dito, nagkakaroon na ng agam-agam tungkol sa kaligtasan at kapakanan ng mga kabataang Pilipino sa kasalukuyang pamamayagpag ng war on drugs ng Duterte administration.
Nakiisa naman ang UP Diliman sa pagluluksa ng pamilya Arnaiz, na dati ring naging estudyante ng UP na kumuha ng kursong interior design.
Ayon pa kay Tan, bagaman depression ang naging dahilan ng pagtigil ni Arnaiz sa pag-aaral, may plano pa rin itong bumalik sa UP.
Gayunman, inalis na aniya ng mga otoridad ang pagkakataon na ito mula kay Arnaiz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.