Ang LRT6 ay extension ng LRT1 na may habang 19 kilometers at dadaan sa kahabaan ng Aguinaldo highway mula Bacoor patungong Dasmariñas, Cavite.
Ang LRT4 ay itatayo naman mula sa EDSA-Ortigas hanggang sa Taytay, Rizal.
May habang 11 kilometers, ito ay kokonekta sa istasyon ng MRT3.
Ang LRT2 West Extension ay aabot sa Pier4 mula Recto station at magkakaroon ng istasyon sa Tutuban Station at Divisoria.
Sa ngayon, ginagawa na ang East Extension ng LRT2 mula Marikina hanggang Masinag-Antipolo.
Nakakasa na rin ang MRT7 na manggagaling San Jose Del Monte Bulacan, dadaan sa Commonwealth Ave. hanggang SM north-Edsa.
Nakakatuwa na sa wakas , magkakaroon na tayo ng karagdagang mass transport systems kahit parang na-tengga yata ng limang taon at ngayong paalis na ay saka kumilos.
Pero, meron kayang “kolatilya” ito? Abot-kaya ba ng taumbayan ang pamasahe? Nang binuksan ang MRT 3, LRT1,LRT2, tuwang tuwa ang tao dahil mura ang pasahe at “subsidized” noon ng gobyerno kahit pa sabihing “deficit spending” o maliit ang budget nito.
Ngayon, PPP ang patakaran ni Pnoy kung saan pribadong sektor ang magtatayo at walang pondong manggagaling sa gobyerno.
Maganda sana, pero alam niyo naman ang track record ng mga negosyante sa bansa. Walang ibang direksyon kundi itaas ng itaas ang mga bayarin.
Nakita natin iyan sa MWSS (Maynilad, Manila water) Meralco, Govt toll roads (NLEX-SLEX). Tingnan niyo ang PPP contract ng gobyerno at Ayala-Manny Pangilinan-Light Rail Manila Consortium LRMC) sa LRT1 (Roosevelt-Monumento-Bacoor).
Ito pong LRT1 ay kumikita at hindi naluluging negosyo dahil maganda po ang patakbo nito sa ngayon sa ilalim ng DOTC.
Pero, ibinigay pa rin ng Malakanyang sa pribadong sektor at nilagyan pa ng “sovereign guarantee”.
Ibig sabihin, ang lugi ng consortium ay sasagutin ng gobyerno. Isipin niyo, hindi pa nakakapagtayo ng kahit isang “posteng duling” ang pribadong consortium, sumisingil na ito ng P7.5-B penalty mula DOTC.
Ang kabuuang “concession agreement” ay nagkakahalaga ng P65-B ng LRT1 pero sa ngayon ang tinanggap pa lamang ng gobyerno mula sa kanila ay 10% ng concession fees o P935M pesos.
Ano ba iyan? Hindi ba panggigisa sa sariling mantika natin ang nangyayari sa LRT1 PPP na iyan?
Gobyerno na yata ang namimigay ng puhunan dito sa LRMC! Hindi pa natin pinag-uusapan diyan ang mga pasahe sa LRT1, LRT2 LRT4, LRT6 lalot meron sa PPP contract ang mga probisyon sa “notional fares” at “inflation adjustments” kung saan tataas ang pasahe ng hanggang 15 percent tuwing isa o dalawang taon.
Sa totoo lang, “SELLOUT” ang tatawagin ko sa mga transaksyong ito ng PPP sa mga LRT contracts.
Kumikita naman, ibinigay pa sa mga negosyante nang sagot pa ng gobyerno ang lugi. DOTC Sec. Joseph Abaya, ang bait niyo naman at magbabayad ka na agad-agad ng P7.5B penalty sa LRT1 Concessionaire na wala pa namang ginagawa ?
Iyan bang P7.5 B ang magsisilbing “capital” ng consortium para mag-takeover? Sec. Abaya, paano naman kaming income tax filers at mga commuters? Ito ba ang TUWID NA DAAN pabor sa mga pribadong negosyante? Kami po’y nagtatanong lang.