Naging madugo ang tradisyunal na ‘pillow fight’ ng mga ‘plebo’ o freshmen ng U.S. Military Academy sa West Point makaraang kargahan ng mga matitigas na bagay ng mga kadete ang unan na kanilang ginamit sa okasyon.
Tinatayang aabot sa 30 mga kadete ang nasaktan nang tamaan ng mga unan na dapat sana ay malambot lamang.
Taun-taon ginagawa ang pillow fight para sa mga plebo upang makabuo ng camaraderie sa mga ito makaraan ang summer training ng mga kadete ng West Point.
Sa pagsasagawa ng pillow fight, karaniwang pinagsusuot ng helmet ang mga plebo upang hindi masaktan sa okasyon.
Gayunman, hinala ng mga opisyal, nag-alis ng helmet ang mga kadete at isiniksik sa loob ng mga unan kaya’t naging matigas ang mga ito.
Ayon kay West Point Spokesmnan Lt. Col. Christopher Kasker, iniimbestigahan na ang insidente at kinukuwestyon na rin ang mga upperclassmen ng mga freshmen cadets.