PNP Chief Bato naging emosyonal sa pagdinig ng Senado sa Kian killing
Napuno ng emosyon ang ginagawang pagdinig ng senado kaugnay sa kaso ng pagpatay kay Kian Loyd de los Santos at Carl Arnaiz.
Napaiyak si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa nang kwestyunin sa aspeto ng umano’y polisiya na ipinapatupad ng pamahalaan kaugnay sa war on drugs.
Iginiit ni Bato na handa syang magbitiw kung mapapatunayan na mayroon syang ipinag-utos na patayin ang lahat ng mga drug suspects.
Sa kanyang sagot sa naging pahayag ni Sen. Risa Hontiveros, sinabi ni dela Rosa na handa niyang iwan ang posisyon sa PNP at umuwi na lamang sa Davao City kung pagbibitangan rin lang naman sila na nasa likod ng mga kaso ng extra judicial killings sa bansa.
Sinabi rin ng opisyal na hindi makatwiran ang nasabing mga bintang lalo na sa mga pulis na ginagawa lang ang kanilang tungkulin.
Sinabayan pa ito ng pagbuhos ng emosyon ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Percida Acosta ng linawin nito na wala syang binabanggit na umanoy ‘pattern’ nang pagpatay sa kaso nina Kian at Carl Arnaiz
Samantala, pansamantala na sinuspinde ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang pagdinig at muling ipagpapatuloy sa mga susunod na araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.