Walang nakikitang ibang pinakamagandang solusyon si Philippine National Police chief, Director General Ronald Bato Dela Rosa para maiwasan ang mga kahalintulad na kaso ng pagpatay katulad nina Kian Loyd de los Santos at Carl Arnaiz kundi ang ibalik ang training sa mga pulis.
Sa pagdinig ng senate committee on public order and dangerous drugs, iginiit ni Dela Rosa na kailangang ang PNP mismo ang mag-train sa kanilang mga pulis upang maging maganda ang kalabasan ng mga training ng mga ito at maging mabuting pulis.
Pinatayo pa ni Dela Rosa ang dalawang pulis na suspek sa kaso ng pagpatay kay Carl Arnaiz at ginawang halimbawa kung gaano ka-palpak ang training ng mga pulis lalo at PO1 pa lamang sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita, pero ang tyan aniya ay parang pang-SPO4 na.
Samantala, naging emosyonal naman si Dela Rosa nang tanungin ni Sen. Bam Aquino kung may nakikita ba itong pattern sa mga kaso ng pagpatay kina Kian at Carl.
Giit ng PNP chief, hindi umano dapat na hanapan ng pattern ang mga anti-illegal drugs operation ng PNP lalo at nakatutok ang higit 175,000 PNP personnel sa war on drugs ng Duterte administration.
Dapat din aniyang tignan ang malaking bilang ng mga nadadakip ng PNP sa kampanya kontra droga ng pamahalaan.
Watch: CPNP Bato de la Rosa,
napaiyak sa ginagawang pagdinig ng senado kaugnay sa #Kian killing @dzIQ990 pic.twitter.com/8QWcPQg4hx— ruel perez (@iamruelperez) September 5, 2017
Samantala, positibong kinilala ng isang testigo na itinago sa alyas ‘MC’ si PO3 Arnel Oares na syang bumaril kay Kian Loyd De Los Santos.
Pinatayo ang tatlong pulis na sangkot sa kaso ni Kian at positibong itinuro ni ‘MC’ si Oares.
Tumanggi namang sumagot sa iba pang katanungan si Oares at ininvoke ang kanyang karapatan o right against self-incrimination.
Present din sa pagdinig ang mga magulang ni Kian na si Mang Saldy at Nanay Lorenza.