5 ‘big-ticket’ projects, inaprubahan ni Pangulong Benigno Aquino III
Pinangunahan ng Pangulo ang pagpupulong ng National Economic Development Authority board meeting noong nakalipas na Sabado at dito na buo ang pagsusulong sa Private-Public Partnership Projects na makakatulong sa sektor ng mass transport sa bansa.
Kabilang sa mga naaprubahang mga bagong proyekto ang pagsusulong ng konstruksyon ng 19-kilometer elevated railway tungong Bacoor hanggang Dasmariñas sa Cavite o kilala bilang LRT 6.
Nagkakahalaga ang proyekto ng 64.71 bilyong piso.
Sa loob naman ng Metro Manila, itatayo naman ang LRT Line 4 na may habang 11 kilometro na magmumula sa EDSA0Ortigas tungong Taytay City sa Rizal na nagkakahalaga ng 42.89 bilyong piso.
Inaprubahan din sa nasabing NEDA Meeting ang P15.35 bilyong bagong passenger terminal building sa Clark International Airport at Naga City Airport development Project na nagkakahalaga ng P3.53 bilyon na popondohan ng National government.
Sa sektor naman ng enerhiya, inaprubahan din ng NEDA Board ang Access to sustainable Energy Program ng Department of Energy na nagkakahalaga ng P4.89 billion. Ang P2.82 billion dito ay popondohan ng European Union samantalang ang natitira ay sasaluhin ng National government.
Sa ilalim pa rin ng DOE Program, magbibigay din ng mga grant para sa rural power generation at technical assistance sa National Electrification Administration.
Ayon kay Communications Secretary Sonny Coloma, natalakay din sa board meeting ang pagtataguyod ng Manila-Quezon Avenue Bus Rapid Transit Project at iba pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.