Nagprotesta sa harap ng Department of Education (DepEd) ang ilang estudyanteng Lumad, mga guro, administrators, child rights advocates at Moro supporters upang kondenahin ang anila ay pag-atake ng militar sa mga Lumad community schools sa Mindanao.
Hiniling nila kay DepEd Secretary Leonor Briones na huwag ipagsawalang bahala ang kinakaharap na problema ng mga Lumad partikular na ng mga estudyante’t guro.
Giit pa nila, dapat ibasura ang DepEd Memorandum 221 Series of 2013 na pumapayag na gamitin ang mga Lumad schools sa military operations.
Ayon kay RJ Perez, isang Lumad teacher, tatlo ang kanilang layuning nais ipabatid sa protesta; ang edukasyon, karapatan sa lupang ninuno at ang sariling pagpapasya.
Marami na umanong estudyante’t gurong Lumad ang biktima ng indiscriminate firing mula sa militar, ang ilan ay apektado ng pagkasira ng mga paaralan at ilang pribadong lupa habang tatlumpu’t siyam ng paaralan ang naisara na dahil sa mga banta ng militar.
Ilang estudyante na rin ang takot na bumalik sa pagaaral dahil sa naging banta ni Pangulong Duterte na bobombahin ang mga lumad schools.
Parte ng Lakbayan ng Pambansang Minorya na nagsimula noong August 31 ang isinagawang protesta ng mga minority groups sa Department of Education.