Kakatawanin ni Marquez ang Pilipinas sa Reina Hispanoamericana 2017 pageant na gaganapin sa Bolivia sa buwan ng Nobyembre.
Nang ilusand noong 1991, sampung bansa lamang mula sa South America ang pinayagang makasali sa nasabing kompetisyon na taunang beauty pageant bilang pagkilala sa Hispanic heritage, language at kultura.
Pero mula 2004, unti-unting nadagdagan ang mga bansa at pinakabagong napayagang sumali ay ang Pilipinas ngayong taon.
Nagdulot pa ng hindi magandang reaksyon mula sa netizens, ang pag-anunsyo sa Facebook page ng Miss Universe Club na kasama na ang Pilipinas sa taunang pageant.
Ayon sa Latino fans hindi dapat payagan ang mga Pinay na lumahok sa Latin-American beauty pageant.
Ayon sa ilang nag-post ng komento, bagaman ang Pilipinas ay sinakop ng Espanya at mayroong Spanish culture, hindi naman umano maituturing na Spanish speaking country ang Pilipinas.
May mga nagsabi din na dapat baguhin na ang titulo ng pageant dahil ang Pilipinas ay hindi naman ‘hispanic’.
Agad namang sumaklolo ang netizens mula sa Pilipinas at sinabi na maraming salita sa bansa ay hango o hiram sa Espanya.
May dugong Spanish/Latin din umano ang mga Pinoy at marami sa kultura at tradisyon sa Pilipinas ay nakuha mula sa mga Espanyol.
Ang Pilipinas lamang ang tanging bansa sa Asya na makakalahok sa nasabing kompetisyon.