Nagpahayag ng pagkaalarma ang gobyerno ng Pilipinas sa isinagawang Hydrogen bomb test ng North Korea nitong Linggo na itinuturing na bilang pinakamalaking nuclear test ng bansa.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, isinasangkalan ng hydrogen bomb test ng NoKor kahapon ang kapayapaan sa rehiyon.
Ani Cayetano, ang naturang aksyon ng NoKor ay maaaring maglimita sa opsyong bumalik ang NoKor sa negotiating table.
Handa anya ang Pilipinas na Chairman ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayong taon na magkaroon ng papel na maresolba ang problema sa Korean Peninsula sa pamamagitan ng diplomasya.
Nasa South Korea ngayon si Cayetano para sa isang state visit at inutusan na ang embahada na masiguro ang kapakanan ng 65,000 Pilipino.
Nauna na ngang inilarawan ni North Korean Leader Kim Jong- Un na isang “perfect success” ang isinagawang nuclear test.
Ang hakbang na ito ng North Korea ay mariing kinukondena ng maraming bansa kabilang ang Estados Unidos at ang United Nations Nuclear Watchdog.
Nagpahayag din ng pagkundena ang mga kakamping bansa ng NoKor na Russia at China.