Kinoronahan bilang bagong Miss World Philippines ang dating UAAP courtside reporter, at 2014 Binibining Pilipinas runner-up na si Laura Lehmann.
Naganap ang coronation night ng pageant sa Mall of Asia Arena kagabi.
Pinabilib ni Lehmann ang mga manonood sa Q and A portion kung saan tinanong siya sa kung ano ang masasabi niya sa mga taong hindi naniniwala na nagbibigay ng oportunidad ang beauty pageants para sa empowerment ng kababaihan.
Anya, ang mga babaeng kasali sa Miss World ngayon ay nagmula sa iba’t ibang propesyon, may abugado, arkitekto at naroon sila upang irepresenta ang Pilipinas at maging best versions ng kanilang mga sarili.
Bukod sa korona, maguuwi ang bagong Miss World Philippines ng 500,000 pesos at magkakaroon ng 1.5 milyong pisong kontrata sa Regal Films.
Samantala, kabilang naman sa mga nanalo sina Winwyn Marquez bilang Miss Reina Hispanoamericana Filipinas; Cynthia Tomalla bilang Miss Eco Philippines; Sophia Senoron bilang Miss Multinational at sina Glyssa Perez at Zara Carbonell naman ang naitanghal bilang 1st at 2nd Princess.