3 mag-aama, patay matapos pagtatagain sa Negros Occidental

Patay ang isang lalaki pati ang kaniyang dalawang batang anak, matapos silang pagtatagain sa loob mismo ng kanilang tahanan sa La Castellana, Negros Occidental.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Luis Solis, at ang mga anak niyang si Marcelino na 11 taong gulang, at Lady Loisa na 6 na taong gulang, habang sugatan naman ang kinakasama ni Solis na si Jennifer Caratayco at ang panganay nilang anak.

Ayon kay Chief Insp. Irma Teoxon, may inaasikaso si Solis sa kaniyang negosyo nang bigla siyang atakihin ng kaniyang pinsan na si Richarg Paquera gamit ang bolo.

Hindi nataga ni Paquera si Solis agad dahil nakatakbo ang biktima, pero sinundan siya nito sa kaniyang tahanan at pinagtataga umano lahat ng taong nadatnan niya doon.

Dead on the spot si Solis at ang kaniyang dalawang anak habang nasugatan naman sa braso ang kaniyang kinakasama pati na ang kanilang panganay na anak.

Kusa namang sumuko sa pulisya si Paquera pagkatapos niyang umuwi sandali.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa nasabing kaso pero hinihinala na ng mga pulis na agawan sa ari-arian ang ugat ng himutok ng suspek.

Read more...